WALANG pag-ibig. Walang lakas. Walang kinabukasan. Mayroon daw dalawang klase ng inggit. Una’y ‘yung pag may kotse ang kapatid mo, at ang gagawin mo’y bubutasin ang mga gulong nito. Ang ikalawa nama’y mag-iipon ka para makabili ng sariling kotse. At siguro, mayroon ding dalawang uri ng pagkamuhi. Una’y ‘yung papatayin mo ang iyong kinamumuhian, at ang ikalawa’y ‘yung gagawin mo ang lahat para hindi maging katulad n’ya. Hindi ba’t ang mga nasa ating paligid ay walang pag-ibig, walang lakas, walang kinabukasan? At hindi ba’t ang sinasabi nito sa ati’y umibig, maging malakas, sugurin ang ating kinabukasan?
HINDI ako kinasal noong Mayo 8. Nakakatawa. Sabi ko pa naman sa mga kaibigan ko propeta ako. Masamang taon ang 2007, kung ang mga alyansa ko ang bubusisiin. Tatlong tao ang itinakwil sa liwanag. At wala sa kanila ang gusto ko sanang pagpaalaman. Sa totoo lang, akala ko nga mahal ko ang isa sa kanila. (Hindi, hindi ‘yung iniisip mo. ‘Yung isa.) Ngunit ang dangal ay dangal, at ang pagkamuhi ay pagkamuhi, at utang natin sa ating mga kakosa na kalabanin sila sa sandaling traydurin nila ang kanilang sarili. Walang pag-ibig, walang lakas, walang kinabukasan.
MASAMA ang simula ang 2007, buong buwan ng Enero impyerno. Ang problema’y hindi ang pagsakal ng mundo, kundi ang pagsakal ko sa aking sarili. Iyon naman ang hindi natin makayanan, hindi ba? Ayos lang na bombahin tayo ng mga kaaway natin. Pero ang barilin tayo ng ating mga kakampi, iyon, iyon ang hindi maaaring patawarin. Dalawa lang ang pwede mong gawin pag nangyari ‘yon. Sumuko o–sumabog. Sumabog ako, shempre. Sa Diyos lang ako sumusuko. At dahil mabuti ang Diyos, lumipas ang Enero. At narito tayo ngayon, umiibig, malakas, sinusugod ang kinabukasan. Mananalo kaya tayo? O aatakihin sa puso bago dumating ang Agosto? Kung ano man ang nilalaman ng hinaharap, isa lang ang alam ko: hinding-hindi ko paparahin ang jip na ‘to.
PAG nangyayari ang ganito, ang ginagawa ko’y kumakain. Dapat pala, nakikinig na lang ako ng musika. "Once my heart was filled with the love of a girl. I held her close but she faded in the night. Like a poem I meant to write." Sina Paul at Art ‘yan, kaya shempre sining. "Hello, hello, hello, hello. Goodbye goodbye goodbye. That’s all there is." Iyon nga talaga dapat ang ating paniwalaan, pero hindi nga iyon ang ating pinaniniwalaan. Kasi, walang dokumento ng sibilisasyon na hindi rin dokumento ng barbarismo.
KAYA naman natin kailangang maging malakas ay dahil gusto nating may kinabukasan ang pag-ibig. Sino ba ang kayang mabuhay ng walang pag-ibig? Ako alam kong hindi ko kaya. Pero hindi lang ‘yon. Kaya ko gustong magkaroon ng kinabukasan dahil gusto kong manatili ang pag-ibig. Gusto ko araw-araw may pag-ibig. Ibig ko’y pag-ibig. (Sumipi na ako sa Simon and Garfunkel wala pa ring kalatoy-latoy ang post na ‘to. Kaya nga pala ako tumigil sa pagbablog.) Alam ko na! Alam ko na! Magbibigay ako ng halimbawa. "Don’t talk of love. Well I’ve heard the word before. It’s sleeping in my memory. I won’t disturb the slumber of feeling that have died. If I never loved I never would have cried." Ilang beses ko nang narinig ang linyang ito. Ngunit may isang sandaling nakasave sa aking utak: kasama ko ang isang kaibigan, at kakakopya lang n’ya ng mga kanta ng Simon and Garfunkel sa kanyang computer, mula sa CD kong dala. Basag ang kanyang puso noon, at saka tumugtog ang awit. At nakakatawa. Nakakatawa. May pait ang aking mga alaala, pero ako lang ‘yun. Nabubuhay ako para sa mga sandaling tulad nun, mga sandali ng sarap na hindi mapapalitan, na laging dumarating, na aking hinahangad, na aking itinatago sa puso, inaasam, ipinapanalangin, at oo, paminsan-minsang itinatakwil. Mga sandali ng pag-ibig.
5:21 pm - 4-6-2008
itchyzone@yahoo.com
5:22 pm - 4-6-2008
hehehhe add nio sa fs tnx